Sunday, February 06, 2005

Untitled

Ayon nga sa CMM (Capability Maturity Model), kapag may defect, lumagpas sa schedule, o kinulang sa budget, di mo dapat sisihin ang taong gumawa. Kahit ang taong iyon ay laging late pumasok, maaga umuwi, nagiinternet lang sa trabaho, at hindi seryoso, hindi mo pa rin dapat sisihin ang taong iyon. Ang dapat na sinisisi ay ang proseso o ang sistema. Kung may dapat baguhin o pagtuunan ng pansin, ang sistema lagi ang may pagkukulang.

Ganun din siguro sa korapsyon. Hindi natin dapat sinisisi ang mga opisyal ng gobyerno sa kanilang pangungurakot. Kahit ilang gramo na ng droga ang kanilang naipuslit papunta sa Pilipinas at naibenta sa mga kabataan, kahit na pumatay sila ng mga inosenteng tao para bumango ang kanilang nabubulok na reputasyon, kahit na ilang milyon na ang kanilang nakuha sa pondo ng gobyerno. Pondo na sapilitang binabayaran ng ating mga naghihikahos at nagugutom na kababayan. Pondo na ginagamit ng ating mga opisyal para sa kanilang pagpapataba, paglalasing, pagbili ng kanilang magagarang sasakyan, pagshoshoping sa iba't-ibang bansa, pagpapasweldo sa kanikanilang mga gwardya(army) at armas, pagbili, sa katawan, pagpapaaral at pagpapabahay ng mga naggagandahang artistang prostitute.

Ilang taon na rin ba ang ating gobyerno? Kung ikukumpara mo sa buhay ng isang tao, matanda na rin ang ating gobyerno. Ilang beses na ring nagpalit-palit ang mga nakaupo sa pwesto. Ilang daang beses na rin tayong nagpaloko sa mga taong iniupo natin sa pwesto na sila raw ang bagong "messiah" na magbabangon sa atin sa kahirapan. Kahit sino pa man ang ating iupo sa pwesto, hindi parin nagbabago ang nangyayari sa ating gobyerno. Kung titignan natin ang nakaraan, ganyang ganyan din ang nangyari sa panahon ng hapon, panahon ng kastila, kahit sa panahon ng mga romano, kung saan ang mga "tax collector" sa panahon ni Jesus ay marunong nang mangurakot.

Ang gobyerno ay parang isang dula. Pinapalitan lang natin ang mga tauhan at lugar ng pinagdarausan ng istorya pero ganoon pa rin ang istorya. Hindi na nagbabago. Kinakatakot ko lang na baka ang hinaharap natin ay hindi na rin magbago. Kahit na dumating ang araw na patay na tayong lahat, patay na rin ang mga walang hiyang mga kurakot na yan, mapalitan na ng ating mga kaapuapuhan ang nabubuhay sa ibabaw ng mundo, ganoon pa rin ang kalabasan na istorya.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home